Iyakin?


Iba-iba ang dahilan ng pag-iyak ng isang tao. Umiiyak tayo pag malungkot pero minsan umiiyak din tayo pag masaya. Umiiyak tayo pag nanalo pero minsan umiiyak din tayo pag natatalo. Kapag iniwan tayo, umiiyak tayo, kapag tayo naman ang nang-iwan umiiyak din tayo. Kapag pakiramdam natin kinakaawaan tayo at kahit tayo din ang naawa iiyak din tayo. Kapag may palabas na teleserye na madrama, naiiyak tayo. Kapag tayo ay napagalitan, umiiyak din tayo. Haaay ang gulo pero ang sigurado,  umiiyak tayo kasi masyado tayo nadala ng ating emosyon. Minsan bigla na lang tumutulo ang luha sa ating mga mata hanggang namamalayan natin na umiiyak na pala tayo.

May ibat-ibang paraan na gusto natin kung paano tayo iiyak o magpapalipas ng pag-iyak.Minsan kapag umiiyak tayo, gusto natin may tumatapik tapik sa likod natin para kalmahin tayo. Minsan naman may mga pagkakataon na kapag tinatapik tayo sa likod lalo naman tayo naiiyak. Minsan din naiiyak tayo pero ayaw natin hayaan na pumatak ang luha kahit na sobrang bigat na ng loob natin. Minsan din umiiyak tayo pero gusto natin na walang sinumang makakita kaya nagkukulong na lang tayo sa isang kwarto. Minsan, umiiyak tayo na may kasamang pagsigaw. Minsan, umiiyak tayo habang tumatawa. Haay, kahit ano pa mang paraan na gusto natin palipasin ang pag-iyak, ang mahalaga ay maisambulat natin ang ating nararamdaman sa pamamagitan ng pagluha at pagkatapos noon, ayos na.

May ilang obserbasyon tungkol sa pag-iyak. Ang pagiyak daw ay para sa mga babae dahil malalambot ang puso. Ang mga lalaki daw ay bihira umiyak habang may mga tao na di talaga umiiyak - bato ang tawag sa kanila. May mga tao din na sobra namang babaw ng luha kung makaiyak - balat sibuyas naman tawag sa kanila. Marami ang naiiyak kapag nagbabalat ng sibuyas - tagaluto lang sa kusina ang tawag sa kanila. May umiiyak na tulo na ang sipon - wala pa akong alam na tawag sa kanila. May pademure umiyak - ready na ang tissue at panyo at bahagya na magpunas ng luha para di masira ang make-up. May ilan na keber lang kung ano hitsura habang umiiyak - iyak to the max kumbaga. May umiiyak na kasabay pa ang pagkusot sa mata - bata lang ang ganito ehem. May umiiyak pero pag nahuli na umiiyak ay biglang deny na umiiyak sila - nagdadahilan lang. May mga iyak na sa isang mata lang tumutulo - sa mga teledrama madalas.May mga umiiyak na kasabay ang gigil - dala marahil ng sobrang galit. May mga parang umiiyak pero wala namang luha - pilit na pilit at drama lang. Masyado madami pang iba, basta ang alam ko nakakagaan ng kalooban ang pag-iyak. At umiiyak ako di dahil sa nagdadrama lang kung hindi dahil sa katulad nyo rin ako, tao lang na nasasaktan at nakakaramdam.

Photo credits:
www.lookslikegooddesign.com
www.thosethatcan.wordpress.com
www.sodahead.com
www.gosssipcop.com
www.hollywoodreporter.com
www.fanpop.com
www.myfacewhen.net
www.lifeofamaybeborderline.wordpress.com

Comments

Popular Posts